August 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Bukod sa mga concerned citizens, nagsusumbong na rin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Local Government Units (LGUs) kaugnay sa mga palpak na government projects.
Ito ay matapos na ibigay ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa Pangulo ang isang folder ng mga dokumento sa kanyang pag-iinspeksyon sa dalawang palpak na government projects sa Tuba, Benguet nitong Linggo.
Hindi naman binanggit ng Presidential Communications Office PCO) kung ang nilalaman ng mga dokumento ay listahan ng mga opisyal ng gobyerno na nakinabang sa mga proyekto ng gobyerno kaugnay sa pahayag ni Magalong na 67 kongresista ang may kinalaman sa mga palpak at depektibong flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sinabi naman ni Pangulong Marcos na ang sumbong ng LGUs ang dahilan kaya niya ininspeksyon ang dalawang proyekto sa Kennon Road nitong araw ng linggo.
“Mayor Benjie has been very vocal about the problem that we have. That’s why napunta ako rito,” ayon sa Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na mayroon pang isang lugar malapit sa Kennon Road view deck na ginagawa sa gilid ng bundok na batay sa paglalarawan ni Magalong ay “road to nowhere”.
Sa ngayon ay hindi naman masabi ng PCO kung kailan ito bibisitahin ni Pangulong Marcos para masuri kung ano ang nangyari sa proyekto.