August 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Karamihan umano sa mga Pinoy ay walang tiwala sa China at nakikita ang naturang bansa bilang pinakamatinding banta sa Pilipinas.
Ito ang lumitaw sa pinakahuling Tugon ng Masa survey na isinagawa ng OCTA Research noong Hulyo 12 hanggang 17, 2025 at ang resulta ay inilabas nitong Lunes.
Base sa survey, nasa 85% ng mga adult Pinoy ang patuloy na walang tiwala sa China habang nasa 15% lamang ang nagsasabing dapat na magtiwala ang Pilipinas sa nasabing bansa.
Ilang rehiyon din ang nagsabing 100% ang kawalan nila ng tiwala sa China, kabilang rito ang MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, at Caraga. Naitala naman ang pinakamababang distrust sa Cagayan Valley na nasa 34%.
Dagdag pa ng OCTA, nakikita rin ng mga Pinoy ang China bilang greatest threat o pinakamatinding banta sa Pilipinas.
“China is also overwhelmingly viewed as the greatest threat to the Philippines, cited by 74 percent of respondents, far ahead of Russia and North Korea at 4 percent each,” anang OCTA.
Sinabi ng survey firm na ang pangunahing dahilan ng kawalan ng tiwala ng mga Pinoy sa China ay ang agresibong aksiyon nito sa West Philippine Sea (66%); pagdagsa ng mga smuggled products mula sa China na nakakasakit sa lokal na industriya (13%); pagtaas ng mga kasong kriminal na kinasasangkutan ng mga Chinese (9%) at job competition mula sa mga Chinese workers (8%).
Anang OCTA, nasa 1,200 respondents, na nagkakaedad 18-taong gulang pataas, ang lumahok sa isinagawang face-to-face interviews para sa survey, na mayroong ±3% margin of error sa 95% confidence level.