August 29, 2025 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Ako po si Ciela, 27-anyos. Pinilit akong pakasal ng aking mga magulang sa lalaking hindi ko gusto.
Palibhasa’y lumaki ako sa pamilyang konserbatibo, sunud-sunuran lang ako sa parents ko.
Akala ko matututuhan ko rin siyang mahalin, hindi pala.
Three years na kaming nagsasama at wala pang anak. Sa kabila nito, ginagampanan ko ang tungkulin ko bilang mabuting asawa.
Nakikita ko naman na mahal niya ako pero ano mang pilit ang gawin ko, hindi ko siya matutuhang mahalin.
Konserbatibo ang outlook ko at ayaw kong makipaghiwalay na malaking kasalanan sa Diyos.
Ano ang dapat kong gawin?
Ciela
Dear Ciela,
Kung tutuusin, puwede mong ipa-annul ang kasal mo dahil pinilit ka lang ng magulang mo.
Ngunit pinapahalagahan mo ang pagsunod sa utos ng Diyos at mabuti iyan. Kaso may kaakibat na pagtitiis ang makisama ka sa taong hindi mo mahal.
Tutal three years pa lang naman kayo. Marahil, sa pagmamahal na nakikita mo sa kanya, matututuhan mo rin siyang mahalin.
Kung wala siyang pinakitang masama sa iyo at puro pagmamahal ang ibininigay niya, sikapin mong suklian iyan ng mabuting pagsisilbi bilang asawa.
Sa katagalan, magiging true love din iyan.
Dr. Love