August 29, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang tax fraud audit sa lahat ng contractors na sangkot sa maanomalyang flood control projects na tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Lumagui na inatasan na niya ang lahat ng tanggapan ng BIR para magsagawa ng parallel audit sa mga kontratista na nabanggit ng Pangulo at kung mapapatunayan na kulang o mali ang kanilang bayarang buwis ay iisyuhan sila ng update tax clearance.
Ibig sabihin aniya nito ay madidiskwalipika na sila sa susunod na mga government procurements at masususpinde rin ang final statement ng kanilang mga kasalukuyang kontrata sa gobyerno.
Base sa Revenue Regulations No. 17-2024 lahat ng government contractors ay kailangang kumuha ng updated tax clearance mula sa BIR bago sila makakuha ng final settlement para sa kanilang kontrata at ito rin ang nagpapatunay na wala silang utang na buwis. Iba pa ito sa initial tax clearance bago ang final settlement.
Babala pa ng commissioner, sa sandaling may matibay na ebidensya o hindi pagbabayad ng buwis ay maaaring makasuhan ang mga contractor ng tax evasion.
Sa kaso naman ng mga sinasabing ghost flood control projects, sinabi ni Lumagui na kailangang kumuha ng official certification mula sa kaukulang ahensiya ng gobyerno na nagsasabing ghost project ang isang flood control project para kaagad ma-isyuhan ng deficiency tax assessment ang contractor nito.