August 31, 2025 | 12:00am
House probe gugulong na
MANILA, Philippines — Inimbitahan na ng Kamara ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways at 15 contractors na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakakopo ng 20% ng 10,000 flood control projects simula 2022 sa isasagawang pagdinig sa Martes, Setyembre 2.
Ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, pinadalhan na rin nila ng subpoena ang SYMS Construction Trading, ang kumpanya na sangkot umano sa “ghost” flood projects sa Baliwag, Bulacan.
“Sa Tuesday ang pagsalang ng Kamara sa imbestigasyon sa flood control projects. Bukod sa DPWH, sinu-sino pa ang inimbitahan? ‘Yong mga kontratista na involved, ‘yong 15 contractors na invited na binanggit ng Pangulo at isa pa yong SYMS Construction Trading — ‘yong tinuturong involved dito sa ghost projects dito sa Baliwag, Bulacan,” ayon kay Ridon.
Binigyang diin ng solon na dapat ding humarap ang Government Procurement Policy Board (GPBB) at ang Philippine Contractors Accreditation Board.
“Pagpapaliwanagin ang mga ito sa accreditation-for-sale in GPBB, ‘yung procurement board para ipaliwanag ano ‘yong proseso ng procurement at BIR (Bureau of Internal Revenue) and COA (Commission on Audit),” ayon pa sa solon.
Sisilipin din ang alokasyon sa mga natapos nang mga proyekto pero kasama pa rin sa isinumiteng P6.793 trilyong 2026 national budget ng pamahalaan kabilang na ang Marikina City flood control program.
Nitong Biyernes ay ibinuking ni Deputy Speaker Rep. Ronaldo Puno na nakakagulat na may mga proyektong mahabang panahon ng tapos pero pinondohan pa sa ilalim ng panukalang pondo para sa DPWH.
