Back-to-back sa High Speed Hitters


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 1, 2025 | 12:00am

PVL Invitational Cup Champions

MANILA, Philippines — Kinumpleto ng PLDT ang pagkopo sa kanilang ikalawang sunod na Premier Volleyball League (PVL) crown.

Pinatumba ng High Speed Hitters ang guest team Kobe Shinwa University, 21-25, 31-29, 25-22, 25-18, sa kanilang one-game championship para pagreynahan ang 2025 PVL Invitational Confe­rence kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Nauna nang inangkin ng PLDT ang gold medal ng nakaraang PVL on Tour kontra sa Chery Tiggo.

“They’re really a good team, they are very talented and they really challenged us,” sabi ni Fil-Canadian Savi Davison sa KSU na bigong maduplika ang pagrereyna ng Kurashiki Ablaze noong 2023 PVL Invitationals.

Dumiretso ang tropa ni coach Rald Ricafort sa kanilang ika-13 sunod na arangkada kasama ang mga panalo sa nasabing preseason conference.

Muling sinandigan ng High Speed Hitters sina Davison, PVL on Tour Finals MVP Mika Reyes, Kim Kianna Dy, Majoy Baron, rookie Alleiah Malaluan at setter Kim Fajardo.

Sa unang laro, inangkin ng Creamline ang kanilang pang-limang bronze medal matapos tibagin ang Chery Tiggo, 25-15, 25-13, 25-22.

Kumana si outside hitter Michele Gumabao ng 17 points mula sa 14 attacks at tatlong blocks, habang may 12 markers si Jema Galanza kasunod ang siyam na puntos ni Alyssa Valdez.

Ito ang PVL record na ika-19 sunod na podium finish ng Cool Smashers na tinalo ang Cignal HD Spikers sa kanilang third place battle sa 2025 PVL on Tour.

“Siyempre, thankful ako sa mga players kasi ibinigay nila iyong 100 percent nila dito sa game na ito, kesyo third or fourth or finals,” sabi ni coach Sherwin Meneses.