50 percent airport terminal fee hike, kinontra


Angie dela Cruz — Pilipino Star Ngayon

August 31, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Mariing tinutulan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang plano ng Department of Transportation (DOTr) na magpatupad ng 50 percent na taas sa airport terminal fee.

Ayon kay LCSP president Ariel Inton, hindi napapanahon ang pagtataas ng halaga ng terminal fee sa airpot lalo pa’t hirap sa budget ang karamihang mamamayan ngayon at mayorya ng biyahero ay naghahanap pa nga ng “budget airlines”.“Bakit kailangan ang pasahero pa ang kailangang pumasan sa sinasabi na ang pagtaas daw ng singil sa terminal fee ay para mapondohan ang planong pagpapa-renovate or pagpapa-improve ng airports. Lalo pa sa panahong ito, iindahin ng ating mga kababayan ang sobrang taas ng singil na ito,” sabi ni Inton.

Binigyang-diin ng LCSP na may mga usa­pin pa na dapat tutukan ang DOTr, kagaya fuel subsidy ng mga pampasaherong sasakyan na lubhang apektado ng patuloy na pagtaas ng pre­syo ng petrolyo. Matagal na umanong may pondo para dito ang gobyerno subalit hindi pa naipalalabas ng DOTr.

Una nang kinatigan ng LCSP ang pagtutol ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa naturang plano ng DOTr na umano’y anti-poor.