August 31, 2025 | 12:00am
‘Di solusyon sa kontrobersya’
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na hindi kukunsintihin ang mga katiwalian at gumawa na rin ng ilang hakbang para tugunan ang iba’t ibang isyu at kontrobersya na bumabalot sa ahensiya.
Ito ang tugon ni Secretary Manuel Bonoan sa mga panawagan na magbitiw siya sa puwesto.
Sa isang video message, sinabi ni Bonoan na ramdam niya ang hirap ng mga Filipino na naapektuhan ng pagbaha at sinundan pa ng mga isyu sa substandard na flood control projects na hindi katanggap-tanggap at ang mga balitang ghost projects na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakadiskubre sa kanyang pag-iikot.
Bagamat mayroong nanawagan sa kanyang pagbibitiw sa puwesto dahil sa mga isyung ito, sinabi ni Bonoan na hindi ito madaling gawin o talikuran ang mga problema dahil hindi ito ang tamang paraan sa paghahanap ng solusyon.
“Iyan po sana ang madaling gawin ang mag-resign o talikuran ko ang problema, pero hindi po ang pag-alis o ang pag-resign o pag-iwas sa problema ang tamang paraan ng paghahanap ng solusyon. Sa akin po tatanggapin ko ang accountability pero tandaan ninyo hindi ko kukunsintihin ang anumang uri ng korapsyon na nangyayari,” pahayag pa ni Bonoan.
Bumuo na aniya ng anti-graft and corrupt practices committee; nagpataw ng preventive suspension sa mga empleyado ng Bulacan First engineering office mula sa District Engineer at sa lahat ng section chief; paglilipat sa Regional Director ng Region 4B.
Gayundin ang pagpapataw ng preventive suspension sa District Engineer na nanunuhol sa kongresista ng Batangas, paglilipat sa regional office ng mga assistant District Engineer at lahat ng mga section chief ng Batangas first engineering office at patuloy na pag-validate kung nariyan pa ang mga flood control projects sa Bulacan at ibang lalawigan sa Regions 3, 4B, 6, 7 at 8 na kabilang sa isinumiteng listahan sa Pangulo sa mga flood control projects mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025.
“Muli hinihingi ko po ang inyong tulong na matukoy ang mga taong sangkot sa mga katiwalian sa mga pagawaing bayan…maaari po kayong magpadala ng mensahe at impormasyon sa hotline 16502 o mag email sa [email protected], bayan po natin ito magtulung-tulong po tayo,” saad pa ng kalihim.