August 31, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Binuweltahan ng Malakanyang si Davao City Mayor Baste Duterte dahil sa pagmamalaki nito na mayroong sariling flood control at iba pang imprastraktura ang kanilang siyudad.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ang mga ganitong komento mula sa mga Duterte na wala namang suhestiyong binibigay sa pagresolba sa problema ay hindi nakakatulong sa bayan.
Sa halip aniya na mamuna, dapat sabihin ni Mayor Baste kung epektibo ba ang 13,917 flood control projects sa ilalim ng administrasyon ng kanyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte.
”Ang maaari nilang maitulong sana ay ipaalam sa mamamayan ang 13,917 na flood control projects ng nakaraang administrasyon para malaman ng lahat kung existing, operational, effective ba ito sa problema sa baha at kung nararamdaman ba ang mga proyektong ito ngayon at noong mga nakaraang taon,” ani Castro.
Kung mayroon naman aniyang matinong suhestyon ang mga ito ay bukas naman ang Pangulo na makinig sa lahat.
Sa pahayag ni Mayor Baste, ngayon lang lumabas ang isyu sa flood control projects subalit sa nakalipas na tatlong taon ay walang ginawang imprastraktura ang administrasyon at kung mayroon man ay “ginabarat” ito at naging ghost projects na ang flood control.