September 1, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Humihirit si Quezon City Councilor Alfred Vargas sa Department of Public Works and Highways na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan tuwing gagawa ng flood control projects.
Ginawa ni Vargas ang pahayag matapos malubog sa baha nitong Sabado ang lungsod bunsod ng matinding pag-ulan.
“But this should also remind the national government, through the DPWH, that it needs to coordinate if not align its flood control projects, including the declogging of drainages on national roads, with the local government,” pahayag ni Vargas.
Ayon kay Vargas, mas madali sanang humupa ang baha at hindi na sana umabot sa lagpas tao sa ibang lugar kung maayos at consistent ang declogging ng existing drainage system ng Quezon City.
“Tulad ng sinabi ni Mayor Joy Belmonte, hindi kaya ng local government na pondohan ang total cost ng Drainage Masterplan lalo na’t saklaw dito ang national roads na nasa pangangalaga ng DPWH,” pahayag ni Vargas.
Nangako si Vargas na maghahain ng mga panukala para i-adopt ang QC Drainage Masterplan bilang pangunahing source ng designs at implementasyon ng flood control projects sa lungsod.
