Co, ipatatawag ng Infrastructure Committee


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

September 4, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ipatatawag ng House Infrastructure Committee (Infra Comm) si AKO Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, dating House Committee on Appropriations Committee Chairman kaugnay ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Infra Comm Chair Terry Ridon, kung may mga dokumento na mag-uugnay kay Co sa ilang mga kinukuwestiyong flood control projects ay ipatatawag nila ang mambabatas.

Sa Sumbong sa ­Pangulo, si Co ay sinasabing ikalawa sa top recipients ng flood control projects na nakakuha ng 149 solo at joint projects na nagkakahalaga ng P15.7 bilyon.

Ang nangunguna ay ang mag-asawang Pacifico “Curlee” Discaya II at Cezarah “Sarah” Discaya na nasa P31 bilyon ang nakuhang deal sa construction projects sa panahon ng dating administrasyon kabilang ang mga ghost flood control projects.

Sinasabing nakakuha ng malalaking proyekto ang Sunwest Construction Company ni Co noong dating chairman pa ito ng House Committee on Appropriations mula Hulyo 2022-Mayo 2025.