Yate, chopper ng iba pang flood contractors target ng BOC


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

September 4, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sisiyasatin rin ng Bureau of Customs (BOC) ang mga ari-arian ng iba pang kontratista ng mga flood control projects.

Ito ang tiniyak ng BOC matapos na isyuhan ng search warrant ang 12 luxury cars ng mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya upang ma-check kung nakapagbayad ang mga ito ng tamang duties at taxes.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, maging ang mga ari-arian ng iba pang contractors na posibleng sangkot rin sa anomalya ay bubusisiin nila. Maaari aniyang kabilang dito ang mga pribadong yate, helikopter at iba pa.

Giit ni Nepomuceno, hindi nila sini-single out ang mga Discaya at nagkataon lamang na naunang naaprubahan ang search warrant para sa kanila.

“Hindi lang naman sasakyan ang ating binabantayan. Marami pang posible sa point of view ng BOC, kung ano yung may halaga na ipinapasok dito sa bansa. Gusto natin, yan ay nagbayad ng tamang buwis, duties and taxes, at tama ang kanilang mga dokumento at walang nilabag na probisyon ng ating Anti-Smuggling Law,” aniya.