Pulang pagkain at ang dulot nitong kabutihan sa puso


DOC WILLIE — Dr. Willie T. Ong — Pilipino Star Ngayon

September 5, 2025 | 12:00am

Upang mapangalagaan ang puso, nararapat kumain ng mga mapupulang pagkain.

Ang mga mapupulang pagkain para sa puso ay ang mga sumusunod :

1. Pulang ubas – Ito ay may taglay na flavonoids, quercetin, at resveratrol (nasa balat ng pulang ubas). Ayon sa pagsusuri, ang ubas ay nagpapataas ng ating good cholesterol. Pinipigilan din nito ang pagbuo-buo ng platelets sa dugo para hindi magbara ang ugat.

Ayon sa mga eksperto, mas masustansiya ang pula o itim na ubas kumpara sa puti o berdeng ubas. Ang pulang ubas ay napag-alaman ding may panlaban sa virus at bacteria. Huwag lang kumain ng sobrang dami dahil ito’y nakatataba rin.

2. Pulang mansanas – Ito ay may mataas sa quercetins. Ayon sa pag-aaral, ang mga taong kumakain ng “one apple a day” ay mas nakaiiwas sa kanser sa baga at sa Alzheimer’s disease.

Ang balat ng mansanas ay may pectin, na nagpapababa din ng lebel ng bad cholesterol (LDL cholesterol) ng 16 percent kaya mabuti ito sa ating puso.

3. Red wine—Ito ay may resveratrol. Pinatataas ng resveratrol ang good cholesterol at pinapababa ang bad cholesterol. Ganunman, hinay-hinay lang sa pag-inom ng red wine o iba pang alak.

Ang mga lalaki ay puwedeng uminom ng dalawang maliit na baso at ang mga babae naman ay puwedeng uminom ng isang maliit na baso bawat araw. Dahil mas payat sila, mas madaling malasing ang mga babae kumpara sa mga lalaki.

4. Strawberries – Ito ay may ellagic acid at polyphenols, na nagpo-protekta laban sa cancer. Mataas din ito sa anti-oxidants, vitamin B at C, at potassium na kailangan sa normal na pagtibok ng puso.

5. Kamatis, tomato sauce at ketsap – Ang mga ito ay ma­yaman sa anti-oxidants tulad ng lycopene at beta-carotene. Ang lycopene ay isa sa pinakamalakas na anti-oxidant.

Maraming pagsusuri ang nagpapatunay na ang pagkain ng kamatis, tomato sauce o ketsap ay nagpapababa ng tsansang magkaroon ng sakit sa puso, prostate cancer, at caneer sa bituka.

Para lumabas ang lycopene sa kamatis, lutuin ang kamatis na may kaunting mantika.

Ayon sa mga eksperto, kailangang kumain ng 10 kutsara o 150 cc ng tomato sauce bawat linggo.

6. Pulang pakwan – Ito ay may benepisyo sa puso at blood vessels.

Napatunayan na pinatataas ng pakwan ang lebel ng arginine sa katawan. Ang arginine ay nako-convert sa nitric oxide, isang kemikal na nagpapa-relaks at nagpapabuka ng ugat. Dahil dito, makatutulong ito sa pag-iwas sa stroke at heart attack.

May taglay din itong lycopene na nagpapabagal sa pagtanda.