September 9, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ikinanta ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya ang mga pangalan ng ilang kongresista, kanilang mga staff, at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways na umano’y sangkot sa katiwalian sa mga flood control project sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee kahapon, sinabi ni Curlee Discaya na paulit-ulit silang ginamit ng mga nasa puwesto dahil kung hindi sila susunod ay wala silang magagawang proyekto.
“Paulit ulit kaming ginamit ng mga nasa puwesto sa sistemang ito, wala kaming magawa dahil kung hindi kami makikisama, gagawan nila ng problema ang project na na-award sa amin sa pagitan ng mutual termination o pagkakaroon ng right of way problem na parehong nagdudulot ng hindi matuloy ang implementasyon ng mga proyekto,” ani Curlee Discaya.
Sinabi rin ni Discaya na matapos silang manalo sa bidding ay nilalapitan sila ng mga opisyal ng DPWH para humingi ng parte sa proyekto.
“Ang hinihingi nilang porsyento ay hindi bababa sa 10 porsyento at umaabot pa ng 25% na naging kondisyon para hindi maipit ang pagpapatupad ng programa,” ani Discaya.
Pinangalanan niya sina Pasig City Rep Roman Romulo, Uswag Ilonggo Partylist Rep Jojo Ang, Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas, QC Rep. Juan Carlos “Arjo” Atayde, Agap Partylist Rep. Nicanor “Nikki” Briones, Marikina Rep. Marcelino “Marcy” Teodoro, San Jose del Monte, Bulacan Rep. Florida Robes, Romblon Rep. Leandro Jesus Madrona, Rep. Benjamin “Benjie” Agarao, Jr., An-waray Partylist Rep. Florencio Gabriel Bem Noel, Occidental Mindoro Rep. Leody “Ode” Tarriela, QC Rep. Reynante “Reynan” Arogancia, QC Rep. Marvin Rillo, Aklan Rep. Teodorico “Teodoro” Haresco, Zamboanga Sibugay Rep. Antonieta Yufela, Caloocan City Rep. Dean Asistio at QC Rep. Marivic Co Pillar.
Binanggit din si dating Office of the Presidential Assistant for the Visayas of the Philippines Undersecretary Terrence Calatrava.
Sinabi ni Curlee na humiling din ang mga tauhan ng ilang pulitiko na makipagkita sa kanila para humingi ng porsyento kapalit ng mga proyektong iginawad sa kanila.
Ang mga opisyal ng DPWH na sinasabing sangkot ay sina Regional Director Virgilio Eduarte ng DPWH Region V; Director Ramon Arriola III ng Unified Project Management Offices; District Engineer Henry Alcantara ng DPWH Bulacan 1st District; Undersecretary Robert Bernardo; District Engineer Aristotle Ramos ng DPWH Metro Manila 1st District; District Engineer Edgardo Pingol ng DPWH Bulacan Sub-Deo: District Engineer Michael Rosaria ng DPWH Quezon 2nd DEO.
Sinabi rin ni Discaya na karamihan sa mga binanggit na kawani ng DPWH ay paulit-ulit na binabanggit ang delivery ng pera ay para kay Zaldy Co, na dapat ay hindi bababa sa 25%.
“Si Cong. Marvin Rillo naman ay ilang beses binabanggit ang pangalan ni Speaker Martin Romualdez bilang kanyang malapit sa kaibigan,” ani Discaya.
Samantala, humingi ng tulong ang mag-asawang Discaya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa Senate blue ribbon para sa proteksyon at seguridad ng kanilang pamilya.
