September 9, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Umabot sa mahigit P49 milyon ang napatalo sa casino ni dating Bulacan 1st District assistant engineer na Brice Ericson Hernandez na sangkot umano sa maanomalyang flood control projects.
Sa muling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Sen. Rodante Marcoleta na batay sa nakuhang record mula sa Okada, nanalo si Hernandez ng P6 milyon noong Marso 2025 subalit natalo naman ng P25 milyon plus noong Abril 1, 2025.
Muling natalo si Hernandez noong Mayo 2025 ng P10 milyon at P14 milyon noong Hunyo 2025.
Pero nakabawi naman si Hernandez matapos manalo ng P15 milyon noong Hulyo 2025.
“Eto recorded ito. Kung hindi ka magtatapat, I will cite you in contempt. Kanino mo kinukuha ang mga perang ginagasta mo?” tanong ni Marcoleta kay Hernandez.
Iginiit ni Hernandez na nagpunta lang siya sa Okada noon para dumalo sa isang convention.
“Ang natatandaan ko lang po, napunta ako ng Okada is umattend lang po kami ng convention,” ani Hernandez.
Giit ni Marcoleta, “So hindi mo aaminin na ikaw ay hindi nanalo kahit na ito’y nasa record ng Okada?”
Pinanindigan ni Hernandez na “Hindi po talaga, hindi po totoo yan.”
Hiniling ni Sen. Erwin Tulfo sa komite na i-cite-in-contempt si Hernandez sa patuloy nitong pagsisinungaling.
