Bubot na Bayabas (59) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

September 13, 2025 | 12:00am

HABANG nakaupo sa salas, hawak ni Apol ang pares ng tsinelas. Sinuri-suri niya.

Walang pangalan o brand. Wala ring size. Mabigat kaysa karaniwang tsinelas. Ibang klase ang rubber na ginamit at mas makapal kaysa mga tsi­nelas na binibenta sa mercado. Maski sa online ay wala marahil ganitong klase ng tsinelas.

Ang ipinagtaka pa ni Apol, ang kulay nitong­ ginto ay maipagkakamaling tunay na ginto. Ngayon lang siya naka­kita ng ganitong tsi­nelas. Maski ang mga mama­halin at bran­ded na tsi­nelas sipit ay walang ga­nito. May ka­parehong kulay pero hindi ganito ka­ganda. Na­pakapulido ng pagkakagawa.

Sinaliksik niyang mabuti ang tsinelas at baka makakita siya ng pagka­kakilanlan.

Pero lahat nang kasuluk-sulukan ay na­saliksik na niya pero wala talaga siyang makita kung saan ito ginawa.

Nakapagtataka talaga kung saan ginawa ito.

Imported kaya ito?

Saan kayang bansa nagmula?

Nang magsawa si Apol sa kasasaliksik sa tsinelas ay muli itong ibinalot sa plastic na supot at saka itinago sa cabinet.

Iingatan niya ang tsinelas.

Malaki ang paniwala niya na isang araw ay darating ang dalagita at kukunin ang tsinelas.Pero kailan kaya iyon?

Tuwing aalis ng bahay­ si Apol ay dumadaan siya sa sari-sari store ni Manang sa kanto.

“Magandang umaga Manang!”

“Magandang umaga Apol.”

“Balitaan mo ako Manang kapag duma­ting ang misteryosang dalagita. Bakasakali ay may malaman tayo  sa kanya.”

“Basta ikaw Apol.”

“Kapag engkantada po ang dalagita, mala­king balita ito. Baka siya po amg magpayaman sa akin at pati ikaw Manang, yayaman din.”

“Sana mangyari ang sinabi mo Apol para itong sari-sari store ko e gagawin kong grocery.”

“Mangayayari ‘yan Manang.”

“Salamat Apol.”

“Sige po Manang.”

(Itutuloy)