September 14, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tutol ang Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) sa muling panawagan na pansamantalang makalaya sa piitan si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa sagot ng ICC noong Agosto 28 na inilathala nitong Setyembre 12, sinabi ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, na ang patuloy na pagpiit sa dating pangulo ay magsisiguro ng kanyang pagdalo sa pagdinig at hindi magdadala ng panganib sa imbestigasyon o court proceedings at para maiwasan na patuloy na gumawa ng krimen o kaugnay na krimen na nasa hurisdiksyon ng ICC.
Iginiit pa ng prosekusyon na dapat manatii sa piitan si Duterte dahil na rin sa pagtutol ng kanyang pamilya sa legal proceedings sa korte at dahil na rin sa patuloy na sinasabi ng pamilya nito na kinidnap ang dating pangulo.
Pinagbintangan din aniya ni Vice President Sara Duterte noong Hulyo 19 ang ICC na nakikipagsabwatan sa gobyerno ng Pilipinas para sa mga pekeng testigo laban sa kanyang ama.
Sinabi pa ni Nang na nababahala sila sa pahayag ng Bise Presidente na nais ng kanyang ama na bumalik sa Davao City kapag nabigyan ng interim release dahil ito rin aniya ang siyudad kung saan nadoble ang pagpatay noong siya pa ang Alkalde.
Matatandaan na noong Lunes ay pinagpaliban ang confirmation of charges ni Duterte at muli itong itinakda sa Setyembre 23.
