Nangangamba sa paglayo ng anak


Dear Dr. Love — Pilipino Star Ngayon

September 15, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Mang Ed, isang ama na nababahala para sa kanyang anak. Nasa tamang edad na siya para mag-asawa at napagdesisyunan na niyang lumagay sa tahimik.

Mahal na mahal ko po ang anak ko at welcome sa akin ang kanyang magiging asawa.

Ang problema ko po, Dr. Love, ay hindi ko matanggap na pagkatapos ng kasal ay lilipat na sila sa Mindanao.

Nangingibabaw po ang takot at pa-ngamba sa aking puso. Kahit matanda na ang anak ko, hindi ko pa rin maalis sa isipan na sa malayo na siya titira. Tila napakalayo ng Mindanao mula rito sa Maynila. Paano na po kung may mangya-ring masama sa kanya at hindi ako agad makarating? Sino ang mag-aasikaso sa kanya? Paano na kung magkasakit siya? Sino ang mag-aalaga?

Alam ko pong maganda ang buhay roon at mayroon din silang hanapbuhay, ngunit hindi po talaga ako mapalagay. Para po akong mawawalan ng isang bahagi ng aking buhay. Napakahirap pong isipin na hindi ko na siya masisilayan araw-araw o malalapitan kung kailangan niya ako.

Mang Ed

Dear Mang Ed,

Normal na damdamin ang nararamdaman mo—ang takot at pag-aalala para sa anak ay bahagi ng pagiging magulang. Pero tingnan mo ito bilang isang tagum-pay. Ibig sabihin, pinalaki mo siya nang maayos at kaya na niyang bumuo ng sarili niyang buhay. Ang kanyang pag-aasawa at paglipat ay hindi hudyat ng pagkawala niya sa iyo, kundi simula ng panibagong yugto kung saan magiging mas malaki ang inyong pamilya. Magtiwala ka sa kanya at sa pinili niyang makakasama sa buhay.

Ang distansya ay hindi na hadlang ngayon dahil sa teknolohiya. Maaari kayong mag-video call at mag-usap araw-araw. Makikita mo pa rin ang kanyang ngiti at mararamdaman ang kanyang pagmamahal. Sa halip na mag-alala, bigyan mo siya ng buong suporta. Ipakita mo na masaya ka para sa kanya, dahil ang iyong suporta ang pinakamahalagang regalo na maibibigay mo. Huwag kalimutang alagaan din ang iyong sarili. Humanap ka ng mga bagong libangan o makipag-bonding sa mga kaibigan. Ang iyong kaligayahan ay makakatulong din para mapawi ang iyong pangamba. Ipagdasal mo lang na maging masaya siya sa kanyang bagong buhay.

DR. LOVE