Ikinakasang September 21 rally, nirerespeto ni Pangulong Marcos


Gemma Garcia — Pilipino Star Ngayon

September 14, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Igagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang anumang ikinakasang malakihang pagtitipon ng iba’t ibang grupo sa Setyembre 21.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, nirerespeto ng Pangulo ang freedom of expression kaya kung anuman ang nararamdaman at ang sentimyento ng ­ating mga kababayan sa ngayon ay igagalang ito.

Giit ni Castro, ito ay laban sa korapsiyon na nilalabanan din ng ­Pangulo kaya pareho lamang ang nararamdaman at sentimyento ng mga ito.

Subalit ang dasal lang aniya ng Malakanyang ay hindi ito sakyan ng ibang mga tao na hindi maganda ang naisin para sa gobyerno kung di mag-destabilize.

“Itong kanilang pagsisimyento ay huwag sanang sakyan ng ibang mga tao na hindi maganda ang naisin para sa gobyerno kundi mag-destabilize,” dagdag pa ni Castro.

Layon ng September 21 rally na kalampagin ang gobyerno at igiit na panagutin ang mga sangkot sa mga katiwalian sa pamahalaan.

Natapat naman ito sa mismong araw ito sa paggunita ng deklarasyon ng martial law ng ama ng pangulo na si dating ­Pangulong Ferdinand Marcos Sr.