Ika-64 seat sa House makukuha ng Gabriela


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

September 15, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na ang Gabriela Party-list, na nakakuha ng 256,811 boto noong May 2025 polls, ang siyang ookupa sa ika-64th seat sa House of Representatives.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, lumiham na ang poll body sa Kamara hinggil sa gagawing proklamasyon sa magiging ika-64th party-list member ng Kongreso.

Ito ay bilang pagtalima sa constitutional requirements, na ang mga party-list represen­tatives ang siyang bubuo sa 20% ng membership ng Kamara.

Sinabi ni Garcia na si Gabriela party-list 1st nominee Sarah Ela­go ang ipuproklamang bagong miyembro ng Kongreso.

Ipinaliwanag ni Garcia na lumitaw sa isinagawa nilang review na ang 63 party-list seats na naiproklama sa katatapos na halalan noong Mayo 2025, ay bumubuo lamang sa 19.8% ng House of Representatives. “Sapagkat ang 63 ay 19.8 lamang, samantalang nakalagay sa ating Saligang Batas ang party-list ay dapat 20% ng komposisyon ng mismong House of Representatives,” aniya.

Inaasahang isasagawa ang proklamasyon kay Elago sa Huwebes, Set­yembre 18.