Pilipino Star Ngayon
September 17, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sa gitna ng mga isyu ng korapsiyon sa mga flood control project ng pamahalaan, hindi ligtas ang Cebu City matapos matuklasan ang P1.3 bilyong pondo na pinaniniwalaang tinengga umano ng isang kontraktor.
Nauna nang ipinag-utos ni Cebu City Mayor Nestor Archival ang pagrebyu sa naturang flood control project na ini-award sa A.M. Oreta & Co. Inc.
Nai-award umano ang naturang proyekto sa ilalim pa ng administrasyon ng yumaong Mayor Edgardo Labella.
Nadiskubre ang naturang proyekto na nakatengga kaya nasayang lamang ang pondo na dapat sana ay mapapakinabangan ng taumbayan para makaiwas sa baha tuwing panahon ng tag-ulan.
Ang kautusan ni Mayor Archival ay kaugnay na rin ng mga agresibong plano ng lungsod para palakasin ang flood mitigation at disaster preparedness ng lungsod.
Preparasyon ito ni Archival para ihanda ang Cebu City sa mga pagbaha lalo’t marami pang papasok na bagyo sa bansa sa taong ito.
Kaugnay pa rin ng A.M. Oreta & Co., napag-alaman na hindi lamang ito sa Cebu City nag-iwan ng nakatenggang proyekto.
Ayon sa ulat, ang A.M. Oreta & Co. ay kabilang sa mga kontraktor na ini-report ng taumbayan sa Isumbong sa Pangulo at posibleng maimbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
May dalawa pa umanong flood control projects na nai-award sa mga Oreta —isang P92 milyon at isang P49 milyon sa Muntinlupa at Rizal na patuloy na nakatengga.
Nauna nang sinita ng Commission on Audit (COA) ang Cebu City government dahil sa kabiguang mabawi ang P199.3 milyong mobilization fee sa A.M. Oreta & Co. para sa flood control na kinontrata noong 2021.