September 17, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Inilarawan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang dike sa Bauang, La Union na “super substandard” matapos matuklasan na ginamitan ito ng pekeng tubo.
Ang anomalya ay nadiskubre matapos na inspeksiyunin ni Dizon ang proyekto, kasama si Independent Commission for Infrastructure (ICI) special adviser at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Ayon kay Dizon, base sa inisyal na pakikipag-usap nila sa mga inhinyero, ang mga tubo ay dapat na magsisilbing tagusan ng tubig, sa panahon ng mga pagbaha sa lugar.
Layunin nito na hindi masyadong makumpromiso ang dike sakaling tumaas ang tubig sa lugar.
Gayunman, natuklasan nilang peke ang mga naturang tubo dahil hindi tagusan ang mga ito. Sa halip, putol ang mga ito at itinapal lamang sa dike.
Ani Dizon, ang contractor na nakarekord na gumawa ng proyekto, na nagkakahalaga ng hanggang P180 milyon at nakumpleto noong May 2025, ay ang Silverwolves Construction.