Sara Duterte tinanong si Renee Co: Kamag-anak mo ba si Zaldy Co?


Philstar.com

September 17, 2025 | 7:35pm

MANILA, Philippines — Tinanong ni Vice President Sara Duterte si Kabataan Rep. Renee Co kung kaanak ba nito si Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa budget hearing ng Kamara para sa 2026 pondo ng Office of the Vice President (OVP) nitong Martes, Setyembre 16.

Habang tinatanong ni Co kung paano ginagastos ng OVP ang pondo para sa biyahe at akomodasyon ng staff, biglang nagtanong si Duterte: “Madam Chair, may I be allowed to ask a question? Magpinsan po ba si Congressman Co ngayon at si Zaldy Co? Gusto ko lang malaman. Are they relatives?”

“I have no familial relation with Zaldy Co or any other relatives.” sagot naman ni Co.

Si Zaldy Co ay kinatawan ng Ako Bicol party-list at dating chairman ng House appropriations committee, na inuugnay sa malalaking kontrata para sa flood control at iba pang infrastructure projects.

Sa parehong pagdinig, binasag ni Duterte ang tradisyon ng Kamara na hindi pinapaharap at tinatanong ng direkta ang mga mataas na opisyal hinggil sa budget ng kanilang tanggapan. Sa halip, pumayag siyang sumalang sa interpellation at sumagot mismo sa mga tanong ng mga mambabatas.

Humihirit ngayon ang OVP ng ?902.8 milyon na budget para sa 2026, mas mataas kumpara sa P744 milyon noong 2025.