7 sa 10 Pinoy tiwala sa Independent Commission


Doris Franche-Borja — Pilipino Star Ngayon

September 18, 2025 | 12:00am

Senado at Kamara, pinabibitiw sa imbestigasyon

MANILA, Philippines — Pito sa bawat 10 Pilipino ang gustong magpaubaya ang Senado at Kamara sa independent commission sa pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng nabunyag na multi-billion “guni-guni flood control projects”.

Sa isinagawang non-commissioned survey ng Bureau of Research and Youth Analysis Group, lumitaw na halos 68% ng mga respondents ay nakasuporta sa pagbuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Independent Commission for Infras­tructure (ICI) para busisiin ang maanomal­yang flood control projects.

Nasa 28% lang ang nagsabing hayaan ang Senado at Kamara ang mag-imbestiga samantalang 4% lang ang pumayag na kahit sino sa mga institusyong ito ang magsagawa ng pagbusisi sa isyu.

Sa face to face survey sa 1,200 respondents, nagpahayag din ang mga tinanong ng mataas na kompiyansa sa mga hinirang ni President Marcos na bumuo ng komisyon subalit si Baguio City Mayor Benjie Magalong ang higit na katiwa-tiwala sa mga itinalaga.

Kailan lang ay iniha­yag na ng Malacañang ang komposisyon ng ICI na kinabibilangan nina ex-Public Works secretary Rogelio Babes Singson, former Justice Andres Reyes, Jr.; SGV managing partner Rossana Fajardo at Magalong.

Ayon sa mga natanong, mas makakabuti para sa bayan ang pagtutok ng isang investigative body gaya ng ICI kaysa pumasok pa ang Senado at Kamara upang hindi na mahaluan ng pulitika ang proseso.

Naniniwala rin ang mga respondents na magiging bias ang anumang resultang ilalabas ng Senado at kongreso dahil may mga miyembro ng dalawang kapulungan ang nababangit sa isyu ng pagkuha ng komisyon sa mga guni-guni at sub-standard flood control projects.

Kompiyansa ang mga natanong sa Luzon, Visayas at Mindanao na maipapakulong ng komisyon ang mga totoong kasangkot sa maanomalyang flood control pro­jects na naging sanhi ng pagbabaha sa iba’t ibang panig ng bansa, partikular na sa Metro Manila.