Bubot na Bayabas (66) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

September 20, 2025 | 12:00am

“IKUWENTO mo nga sa akin, Guava. Masyado akong nahihiwagaan—parang hindi ako makapaniwala,’’ sabi ni Apol.

“Kapareho ka rin ng mga pinagkuwentuhan ko na hindi naniniwala—ang akala nila gumagawa lang ako ng kuwento. May nag-aakala na nahihibang daw ako.”

“Paano ba nangyari?”

“Meron ngang babae na lumapit sa akin habang pala­bas ako ng gate ng school—pasado alas dose ng tanghali.”

“Paano lumapit sa iyo?”

“Palabas na ako sa gate nang biglang lumapit ang babae at iniabot sa akin ang tsinelas.”

“Anong sabi?”

“Regalo raw niya sa akin ang tsinelas.”

“Ano pang sinabi?”

“’Yun lang at tumalikod na. Hindi nga ako nakapagpasalamaat.”

“Anong itsura ng babae?”

“Maganda siya. Na­kabestida ng asul. Ma­gaganda ang mga mata —basta kakaiba ang ganda niya. Kagalang-galang.”

“Anong nangyari pag­katapos?”

“Hindi agad ako na­kakilos sa pagkakatayo —para bang nahipnotismo ako. Makaraan ang ilang sandali saka lamang ako nakagalaw at hinabol ng tingin ang babae na nagbigay ng tsinelas pero wala na ito. Hindi ko na nakita kung saan nagpunta.”

“Anong ginawa mo sa tsinelas?”

“Iniuwi ko at pinakita kina Papa at Mama. Hindi rin sila makapaniwala. Hindi ko raw ba naitanong ang pa­ngalan ng babae. Sabi ko, parang nahipnotismo ako kaya walang lumabas na tinig sa bibig ko.”

“Isinuot mo ang tsinelas?”

“Hindi. Sabi ni Inay, huwag kong isuot at baka raw may gayuma o anumang ipinahid sa tsinelas.”

“Kailan mo isinuot?”

“After one week. Kasi lagi kong napapanaginipan. Parang may nagbubulong sa akin na isuot ko na ang tsinelas.” (Itutuloy)