Azurin sa ICI, bangon o balik sa lumang estilo?


ORA MISMO — Butch M. Quejada — Pilipino Star Ngayon

October 15, 2025 | 12:00am

HANGGANG kailan tayo magtitiis sa mga lider na mahusay mag-umpisa pero laging bitin sa pagtatapos?

Ngayon, si Rodolfo Azurin Jr. ang itinalagang pinuno ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), kapalit ng nagbitiw na si Benjamin Magalong, isang pangalan na may tatak ng integridad at tapang.

At ang tanong na dapat itulak ng taumbayan ay malinaw kung sa dating puwesto niya sa PNP ay kapos diumano ang hustisya, kaya ba nating pagkatiwalaan siya ngayon na hawakan ang imprastruktura ng bayan?

Rekord  ni Azurin sa PNP mga kaso, pero kakaunti ang hustisya tulad sa ilalim ng pamumuno ni Azurin bilang PNP Chief, 2,635 kasong “internal cleansing” laban sa pulis kara­mihan nauwi lang sa administrative penalty, hindi sa korte, hindi sa hatol.

Mga senior officers na may drug links pinayagang mag-resign “courteously,” pero walang diumanong matinding kasong kriminal? “Bloody Sunday” killings 30 pulis kinasuhan ng murder, pero hanggang ngayon, nakabitin.

Ang ?6.7 bilyong shabu haul nasuspinde ang ilan, siya mismo “cleared,” ngunit nanatili ang bahid ng duda sa integridad ng institusyon. Ika nga, laging may simula, pero bihirang may dulo. Laging may aksyon, pero kulang ang hustisya.

Ang pinalitan niya, si Benjamin Magalong, ay kilala sa paninindigan. Hindi siya natakot magsiwalat ng katiwalian, kahit kapalit ay puwesto o impluwensiya. Sa kanya, ang reporma ay hindi palabas kundi paninindigan.

Si Azurin? Sa lahat ng pagkakataon, administrative sanc­tions kaysa hatol, resignation kaysa hustisya, paha­yag kaysa resulta. Kung ang pamantayan ay tapang at integridad, malinaw ang agwat.

Ang ICI ay hindi basta-basta. Ang nakataya rito ay imprastruktura ng bansa—mga tulay, kalsada, paliparan, daungan. Ang bawat kapabayaan ay hindi lang usapin ng pamamahala; ito’y direktang banta sa buhay at kinabukasan ng mamamayan.

Kung sa PNP ay nakalusot ang mga bitin na aksyon, paano kung sa ICI ay pumasok ang parehong kultura? Ang resulta: tulay na madaling gumuho, proyektong overpriced, kalsadang sa unang ulan pa lang ay bumibigay. Ito ang panganib na hindi na kayang tiisin ng taumbayan.

Ngayon, si Azurin ay nasa mas mabigat na hamon kaysa dati,  bangon bilang lider na may tapang at integridad, o manatili bilang opisyal na sanay sa kalahating hakbang.

At sa bawat mamamayang Pilipino, ang tanong ay hindi na lang kung maaasahan ba si Azurin, kundi kakayanin pa ba nating magtiwala kung uulitin lang niya ang nakaraan?

Disklaymer:  Ang artikulong ito ay isang pampublikong komentaryo at opinyon batay sa mga available na ulat, datos, at rekord na inilabas ng mga mapagkakatiwalaang institusyon at midya.

Hindi ito naglalaman ng direktang paratang ng katiwalian, kriminal na pagkakasangkot, o personal na paninira laban kay Rodolfo Azurin Jr. o sinumang opisyal na nabanggit.

Ang lahat ng interpretasyon, paghahambing, at pagsusuri ay nakabatay sa karapatan sa malayang pamamahayag at malayang pagpapahayag na ginagarantiyahan ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas.

Ang nilalaman ng artikulong ito ay hindi dapat ituring bilang pormal na imbestigasyon, desisyon, o hatol mula sa korte, at hindi rin ito nagsisilbing legal na ebidensya laban sa sinumang indibidwal.

Ang layunin nito ay magmulat ng mamamayan, magbukas ng kritikal na diskurso, at maghamon ng pananagutan mula sa mga taong nasa posisyon ng kapangyarihan.

Kung may mga bagong impormasyon o opisyal na hatol na magmumula sa korte o awtoridad, iyon lamang ang dapat ituring na pinal at opisyal na batayan ng pananagutan.