October 16, 2025 | 12:00am
Bumisita ako sa “ground zero” sa hilagang Cebu—mula Bogo City hanggang San Remegio—kitang-kita ko ang tindi ng pinsala: nabiyak na kalsada, gumuho ang mga gusali, at mga pamilyang kumakapit sa pananampalataya. Ngunit sa gitna ng trahedya, namayani ang tapang at pagkakaisa ng mga Cebuano. Kahit muling yumanig ang lupa, walang nag-panik; tulung-tulong silang naglinis, nagbahagi ng pagkain, at nag-alalay sa isa’t isa—patunay na buhay ang bayanihan spirit ng Cebu.
Sa pamumuno ni President Bongbong Marcos Jr., agad niyang inatasan sina DPWH Secretary Vince Dizon at DSWD Secretary Rex Gatchalian na pangunahan ang mabilis na pagtugon ng pamahalaan. Agad silang kumilos—nagpadala ng mga inhinyero, kagamitan, at tauhan habang tiniyak na makarating agad ang pagkain, tubig, at pansamantalang tirahan sa mga apektadong pamilya.
Matalinong hakbang ni Dizon ang pagtatalaga kay DPWH-7 Regional Director Danilo Villa Jr. bilang katuwang sa rehabilitasyon—isang lider na kilala sa tahimik ngunit matatag na pamumuno. Sa kanyang direksyon, mabilis na kumilos ang mga kontraktor at inhinyero ng Cebu upang buksan ang mga kalsada at ayusin ang mga tulay.
Ang clearing operations—na isinagawa at ‘no cost to the government’—ay pinangunahan ng ZLREJ Trading and Construction, QM Builders, at WTG Construction. Ginamit nila ang sariling kagamitan at tauhan upang maibalik ang daloy ng transportasyon at tulungan ang mga ospital.
Patuloy ang rehabilitasyon ng mga kontraktor gamit ang sariling resources sa pamumuno ni Dizon at ayon sa kanya, babayaran sila ng national government matapos ang audit at pagsusuri ng DPWH national office.
Sa bawat lugar na aking napuntahan, ramdam ko ang sama-samang pagsisikap—mga trabahador, sundalo, pulis, at residente—lahat nagtutulungan para sa iisang layunin: ang mabilis na pagbangon ng Cebu.
Yumanig man ang lalawigan, muling nagising ang tunay nitong lakas—ang pagkakaisa, katatagan, at malasakit ng mga tao. Sa pamumuno nina President Marcos, Dizon at Gatchalian, ang pagbangon ng Cebu ay hindi lang pangako—ito ay realidad na.
* * *
Para sa mga komento at suhestiyon, mag-text sa 09818100000.