October 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Labing-apat katao ang nasugatan makaraang yanigin ng 5.8 magnitude na lindol ang hilagang Cebu noong Lunes ng madaling araw.
Ito’y matapos namang unang yanigin ng 6.9 magnitude na lindol ang Bogo City, Cebu noong Setyembre 30 na hindi pa nakakabangon kung saan 75 ang naitalang death toll habang halos 600 naman ang nasugatan.
Base sa ulat ng Phivolcs, sinabi ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na ang nasabing lindol ay bahagi ng aftershock na naganap dakong ala-1:06 ng madaling araw na ang epicenter ay nasa 11 kilometro ang layo sa hilagang kanluran ng Bogo City na ang lalim ay nasa limang kilometro.
Sa tala, sa panibagong resulta ng aftershock ay kinabibilangan ng 8 katao sa Bogo City na pawang dumaing ng paninikip ng dibdib, tatlo ang nasugatan, isa ang dumanas ng asthma at isa pa ang bahagyang sugat sa katawan.
Dalawa naman sa nasugatan ay mula sa San Remigio habang apat namang residente sa Daanbantayan. Bumagsak din ang isang bahay matapos itong mabagsakan ng water tanker.
Samantala, may panibagong pinsala ring naitala sa istraktura sa Hagnaya Port sa bayan ng San Remigio habang nag-deploy na ang PDRMMO ng team para magamot ang mga nasugatang biktima.