May Alzheimer ang tatay | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love, — Pilipino Star Ngayon

October 22, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Nawalan ng gana ang mister ko sa tatay niya na may Alzheimer dahil kahit anong gawin niya bad shot pa rin siya sa biyenan ko. Nagtataka lamang kami kung bakit tuwing nakikita siya ay sinusumpong si tatay na laging nagagalit, nagmumura, at nagsasabi na gusto niyang patayin ang mister ko. 

Gusto mang alagaan ng mister ko ang tatay niya, wala siyang magawa kundi lumayo. Paano ko ba makukumbinse ang mister ko na patawarin na lang ang tatay niya? Pagpayuhan po ninyo ako, dahil hangga’t posible ay hangad ko na magkaayos silang mag-ama. At magkaroon ng tsansa na maibalik ang magandang samahan nila, lalo na at lubhang matanda na ang aking biyenan na may kakaonting panahon na lamang sa mundo.

Pau

Dear Pau,

Huwag kang magsawa na paalalaha-nan ang iyong mister na unawain ang tatay niya. May pagkakataon na aggresive ang kanilang sitwasyon, kaya tama na lumayo siya sa kanyang tatay lalo na kapag ito’y nagpapakita ng galit. 

Hindi dahil may sakit ang mga may kondisyon na gaya ng sa biyenan mo ay hindi na nila ka-yang manakit. 

Mahalaga ring ipa-check up siya sa neurologist upang patuloy na masuri ang kalagayan niya at higit na mahalaga ay mabigyan ng tugmang gamot na magpapakalma sa kanya. 

Tama rin ang pa-kiusap mo sa iyong mister na patawarin ang kanyang tatay dahil sa kanyang karamdaman, na may malaking kinalaman sa kanyang mga nagiging kilos at paraan ng pag-iisip. Isama mo lagi sa iyong taimtim na panalangin ang mag-ama, lalo na ang iyong mister na magkaroon ng malambot na puso para sa kanyang matanda nang tatay.

Dr. Love