EDITORYAL — Magkusa na ang lahat na mag-face mask


Pilipino Star Ngayon

October 23, 2025 | 12:00am

Wala namang masama kung mag-face mask ang mga tao. Ang mga gustong mag-face mask, malaya silang makapagsusuot nito at ang ayaw hindi sila maaaring pilitin. Kaya maski sinabi ng Department of Health (DOH) na wala pang dahilan para gawing mandatory ang pagsusuot ng face mask ay hindi na itinuturing na problema. Sa katunayan, marami na ang nasanay na naka-face mask mula nang magka-pan­demya, tatlong taon na ang nakararaan. Ang iba, hindi lumalabas ng bahay hangga’t walang face mask. Naging bahagi na ito ng kanilang buhay at malaki ang naitutulong para hindi makasagap ng sakit.

Ang pagsusuot ng face mask ay biglang lumutang nang dumami ang bilang ng mga nagkakatrangkaso o flu. Ayon sa report, tumaas ang bilang ng mga ina-admit sa ospital dahil sa trangkaso. Tumaas ang bilang ng mga nagkatrangkaso nang magpalit ng klima. Lu­­ma­lamig na ang panahon dahil sa amihan. Mula nang pumasok ang “ber” months, dumami ang nag­katrang­kaso. Marami rin ang nagkasipon at ubo.

Sabi ng DOH, hindi pa mandatory ang pagsusuot ng face mask sa kabila na ngayon ay flu season. Ayon kay DOH Assistant Secretary at Spokesperson­ Dr. Albert Domingo, kapag nagkaroon ng severe hos­pitalization at pagdagsa ng mga pasyenteng naa-admit sa intensive care unit (ICU) ng mga ospital dahil sa sakit, ang ikokonsiderang dapat ipag-utos na ang malawakang pagsusuot ng face mask. Sa ngayon daw, wala pa namang nakikitang mga ganitong factor kaya hindi pa nangangailangan na magsuot ng face masks.

Nilinaw naman ni Domingo na bagama’t hindi ipi­nag-uutos ng DOH ang pagsusuot ng face masks, wala namang nagbabawal sa mamamayan na gumamit nito upang makaiwas sa sakit.

Mas makabubuti kung magkukusa na ang lahat na mag-face mask para hindi tamaan ng sakit. Nasanay na naman ang mamamayan sa pagsusuot ng face mask kaya hindi na mahirap na gawin ito. Halos tatlong taon na nag-face mask ang mamamayan nang tumama ang COVID-19 at nalampasan ito. Walang masama kung mag-face mask.