October 24, 2025 | 12:00am
HANGGANG kailan tayo mananaginip?
Hanggang kailan magtitiis ang madlang Pinoy habang nilulunod tayo hindi lang ng baha, kundi ng garapalang pagnanakaw?
Nakasusuka! Habang libu-libong Pilipino ang binabaha, nilalamon ng putik, at nawawalan ng bahay, may mga opisyal na kumakain sa mamahaling restoran, nag-aabang ng susunod na biyahe sa abroad, o nagkakandarapa sa pagbili ng imported na sasakyan.
Galing saan ang pera? E di sa atin. Sa buwis ng taong nagtatrabaho, nagtitinda, at nagpapakapagod!
Ngayon, umuugong ang mga pangalan ng mga contractor na sinasabing kasabwat sa multi-billion flood control projects, mga ghost project na ni anino ay wala, pero milyun-milyon ang nailabas.
At kung totoo man na may mga bigating pangalan sa likod nito, mga nasa Kongreso, Senado, pati mga nasa Malacañang circle mga apelyidong mabigat at may kapit. Aba, dapat lang silang panagutin!
Hindi puwedeng puro imbestigasyon lang, puro press release, puro “we will look into it.” Tigil na ang drama!
Ang gusto ng taumbayan, kulungan, hindi komite! Kung may ebidensya, bitbitin sa korte, sibakin, at ipakulong. Kahit sino pa kahit kamag-anak, kaklase, o kumpare ng hari ng Kongreso!
Kasi habang sila’y nagpapakasasa, may mga batang nagkakasakit sa baradong kanal, may pamilyang lumulubog sa sariling bahay, at may magsasakang hindi makabangon dahil sa baha ng korapsyon.
Sawa na ang sambayanan sa panaginip. Ang gusto natin, gising na hustisya.
At kung makulong nga ang mga buwaya sa flood control scam na ‘yan ah, doon pa lang tunay na huhupa ang baha ng galit ng taumbayan.
Disklaymer: Ang opinyong ito ay tinig ng karaniwang mamamayan at hindi pahayag ng anumang institusyon o indibidwal. Layunin nitong ihayag ang sentimyento ng publiko laban sa katiwalian.