Alak at barkada, karibal sa panganganak


Dear Dr. Love, — Pilipino Star Ngayon

October 29, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Magandang araw po. Isa akong misis na kasalukuyang nasa huling yugto ng aking pagbubuntis. Sa totoo lang po, ilang araw na lang ay manganganak na ako.

Pero sa halip na kasama ko ang aking asawa sa paghahanda, siya po ay abala pa rin sa pag-iinom kasama ang kanyang barkada.

Hindi ko po maintindihan kung bakit mas mahalaga pa sa kanya ang alak at barkada kaysa sa responsibilidad niya bilang ama at asawa.

Sa tuwing pinapaalalahanan ko siya, ako pa raw ang masama, ako pa ang “masyadong seryoso.”

Pero Dr. Love, paano po ba ako magiging kampante kung sa oras ng panganganak ko ay baka wala siya sa tabi ko?

Hindi ko po hinahangad ang perpektong asawa, pero sana man lang ay maramdaman ko na kasama ko siya sa laban na ito.

Hindi po biro ang manganak, at higit sa lahat, hindi biro ang pakiramdam ng pagi-ging mag-isa sa panahong kailangan mo ng karamay.

Paano ko po ba mapapaintindi sa kanya ‘yun? Paano ko po ba mailalabas ang sakit at takot na nararamdaman ko ngayon?

Anabel

Dear Anabel,

Hindi ka mali sa nararamdaman mo. Sa panahong dapat ay katuwang mo ang asawa mo ay tila mag-isa ka sa laban.

Hindi mo kailangang tiisin ang kapaba-yaan—ang pagiging ama ay hindi natatapos sa pagbibigay ng apelyido, kundi sa pagiging present sa bawat hakbang ng buhay ng anak ninyo.

Kaunting tapang at linaw ng loob ang kailangan. Kausapin mo siya nang mahinahon pero matatag. Ipaunawa mo na ang pagiging ama ay hindi puwedeng ipagpaliban para lang sa inuman.

Kung hindi pa rin siya magising, huwag ka mag-alinlangan na humingi ng tulong—sa pamilya, sa kaibigan, o sa taong may respeto siya.

Hindi mo kailangang sumigaw para marinig. Minsan, ang tahimik na pagtindig ay sapat para ipaalam na hindi ka na papayag sa ganitong trato.

Ipinaglalaban mo hindi lang ang sarili mo, kundi ang kinabukasan ng anak ninyo.

At tandaan mo, ang pagiging ina ay hindi kahinaan. Isa itong lakas na dapat igalang at bigyan ng importansiya.

Hangad ko na maging maayos ang iyong panganganak at hipuin nawa ng Maykapal ang puso ng asawa mo nang matauhan na siya.

DR. LOVE