November 13, 2025 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Ako po si Mark, 34-anyos, gusto ko lang i-open ang sama ng loob ko sa asawa ko. Mahal ko naman siya, pero lately ay parang nawawala na ang respeto niya sa akin bilang asawa. Tuwing may hindi kami pagkakaintindihan, imbes na ayusin naming dalawa, lagi niyang sinasabi sa mama niya lahat ng detalye — pati mga maliliit na bagay.
Kahit simpleng tampuhan o pagkukulang ko sa bahay, sinasabi niya agad. Minsan tuloy, parang dalawa na silang galit sa akin— asawa ko at biyenan ko. Nahihirapan ako, imbes na mapag-usapan namin nang maayos, nagiging mas malaki pa ang gulo. Parang nawawala ang tiwala ko sa kanya, at minsan naiisip ko tuloy kung may halaga pa ba ang pribadong buhay namin bilang mag-asawa.
Hindi ko naman siya pinapagalitan agad. Madalas nga ako ang umiintindi. Pero kapag ganito lagi, parang nakaka-insulto na.
Paano ko ba siya mapapaunawa na ang problema ng mag-asawa ay dapat sa mag-asawa lang inaayos — hindi sa magulang o sa ibang tao?
Mark
Dear Mark,
Natural lang ang nararamdaman mo. Lahat ng mister ay maiinis kung ang usaping mag-asawa ay palaging nilalabas sa iba, lalo na sa mga magulang. Pero bago mo siya awayin o pagbawalan, subukan mong lapitan nang may kalma at malasakit.
Ipaliwanag mo sa asawa mo na hindi mo naman siya pinagbabawalan na makipagkwentuhan sa mama niya, pero may mga bagay na mas mainam na kayo lang muna ang mag-usap. Sabihin mong gusto mong mapanatili ang tiwala at respeto ninyong dalawa.
Minsan kasi, ang mga misis ay nagsusumbong hindi para manira, kundi dahil gusto nilang marinig na tama sila o may kakampi sila. Kaya dapat mo rin siyang pakinggan — hindi lang ang sinasabi niya, kundi kung ano ang dahilan ng sama ng loob niya.
Kung pareho ka-yong matututong makinig at magpatawad, unti-unting babalik ang tiwala at respeto. Tandaan mo, ang sikreto sa matatag na relasyon ay hindi sa dami ng sumbong, kundi sa tibay ng pag-uusap.
Hangad ko ang pagkakaayos ninyong mag-asawa para mas matiwasay na pagsasama.
DR. LOVE