Pilipino Star Ngayon
November 14, 2025 | 12:00am
OKLAHOMA CITY — Humataw si Shai Gilgeous-Alexander ng 30 points para banderahan ang nagdedepensang Thunder sa 121-92 pagpapagulong sa Los Angeles Lakers.
Nag-ambag si Isaiah Joe ng 21 points para sa league-best record 12-1 ng Oklahoma City.
Nalimitahan si star guard Luka Doncic sa 19 points mula sa malamyang 7-for-20 shooting para sa Los Angeles (8-4) habang may 13 markers si Austin Reaves galing sa mahinang 4-for-12 clip.
Sumama na si injured LeBron James sa ensayo ng Lakers sa unang pagkakataon ngayong season.
Mula sa 30-18 bentahe ng Thunder sa first period ay lalo pang lumobo ang kanilang kalamangan sa 70-38 sa halftime.
Sumalaksak si Gilgeous-Alexander at nagbigay ng behind-the-back pass kay Joe na ipinasok ang kanyang 3-pointer sa pagtunog ng buzzer sa third period para sa kanilang 100-64 abante.
Sa New York, kumamada si forward Franz Wagner ng 28 points sa 124-107 pagdaig ng Orlando Magic (6-6) sa Knicks (7-4).
Ito ang pang-limang panalo ng Orlando sa huli nilang pitong laro at nalampasan ang pagkawala ni leading scorer Paolo Banchero na nagkaroon ng strained left groin sa second half.
Binanderahan ni Jalen Brunson ang New York sa kanyang 31 points, samantalang nagkadena si center Karl-Anthony Towns ng 15 points at 12 rebounds.
Sa iba pang laro, tinalo ng Cleveland Cavaliers ang Miami Heat, 130-116; dinomina ng Denver Nuggets ang LA Clippers, 130-116; sinunog ng Phoenix Suns ang Dallas Mavericks, 123-114 at dinagit ng Atlanta Hawks ang Sacramento Kings, 133-100.
