Volleyball community nagluluksa sa pagpanaw ni Ike Andrew Barilea


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 13, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nagluluksa ang volleyball community sa pag­panaw ni Alas Pilipinas player Ike Andrew Barilea na miyembro ng national pool.

Ayon sa ulat ng mga pulis, namatay si Barilea sa isang road accident sa Cadiz City.

Kaya naman bumuhos ang pakikiramay sa mundo ng volleyball kabilang na ang mga teammates nito sa Alas Pilipinas.

Nanguna na sa listahan sina Alas Pilipinas standouts Marck Espejo at Josh Ybañez.

“RIP Ike!!!”, ayon sa post ni Espejo sa kanyang social media.

Ganito rin ang ibinahagi ni Ybanez na libero ng Alas Pilipinas sa ginanap sa FIVB Men’s Volleyball World Championship.

“Rest easy, Ike,” ani Ybañez.

Naglatag rin ng kani-kanyang tribute ang ilan pang miyembro ng Alas Pilipinas gaya ni Vince Lorenzo na nagpost ng larawan ni Barilea kasama ang teammates nito.

“You will be missed, Ike, RIP,” ani Lorenzo.

Nakiramay din sina Alas members Kim Malabunga, Jade Disquitado, Lloyd Josafat, Leo Ordiales at Jack Kalingking.

May hiwalay na statement ang Spi­kers’ Turf sa pagpanaw ni Barilea.

“The volleyball community is mourning the sudden loss of Ike Barilea (November 9, 2004 – November 11, 2025), who passed away on Tuesday at just 21 years old,” ayon sa statement.

“Friends, teammates, and fans remember him as a dedicated athlete whose passion, energy, and commitment left a mark on Philippine volleyball,” dagdag ng statement.

Nagdiwang ng ika-21 kaarawan si Barilea dalawang araw bago ang insidente.

Bahagi ito ng 21-player pool para sa 2025 FIVB Men’s Volleyball World Championship na ginanap sa Manila.