Pilipino Star Ngayon
November 21, 2025 | 12:00am
OKLAHOMA CITY — Kumana si Shai Gilgeous-Alexander ng 33 points para banderahan ang Thunder sa 113-99 pagpapabagsak sa Sacramento Kings.
Nagdagdag si Chet Holmgren ng 21 points at may 14 markers si Lu Dort para sa pang-pitong sunod na ratsada ng Oklahoma City (15-1).
Pinamunuan ni Dennis Schroder ang Sacramento (3-12) sa kanyang 21 points kasunod ang 17 marka ni DeMar DeRozan, habang tumipa si Russell Westbrook ng 10 rebounds, 7 points at 6 assists.
Hinirang si Russell bilang league MVP noong 2017 at naging two-time scoring champion habang naglalaro para sa OKC.
Hindi naglaro si big man Domantas Sabonis dahil sa left knee soreness.
Mula sa 58-50 halftime lead ay lalong lumayo ang Thunder sa 83-69 kalamangan sa pagtatapos ng third period.
Bumida si Gilgeous-Alexander sa nasabing arangkada ng Oklahoma City tampok ang kanyang mid-range jumper na may kasama pang foul.
Sa iba pang laro, inubos ng Toronto Raptors ang Philadelphia 76ers, 121-112; sinunog ng Miami Heat ang Golden State Warriors, 110-96; wagi ang Houston Rockets sa Cleveland Cavaliers, 114-104; dinaig ng Indiana Pacers ang Charlotte Hornets, 127-118; at tinalo ng Denver Nuggets ang New Orleans Pelicans, 125-118.
