Restaurant sa Korea, itinataboy ang mga customer na walang kasamang kumain!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

November 20, 2025 | 12:00am

NAGING sentro ng mainit na debate online ang isang noodle restaurant sa Yeosu City, South Korea, matapos nitong hayagang tanggihan ang mga customer na kumakain nang mag-isa o mga “solo diner”.

Naglagay ang restaurant ng isang banner na may nakasulat na: “Hindi kami nagbebenta ng kalungkutan. Huwag kayong pumuntang mag-isa.”

Nagbigay pa ito ng apat na opsyon para sa mga nagbabalak kumain nang mag-isa: (1) Magbayad para sa dalawang tao, (2) Ubusin ang dalawang servings, (3) Tumawag ng kaibigan, o (4) Bumalik sa susunod na kasama ang asawa.

Ang isyu ng pagtanggi sa solo diners sa South Korea ay lalong tumitindi dahil sa pagtaas ng presyo ng pagkain, gas at kuryente.

Ikinakatwiran ng mga may-ari na mas pinipili nilang punuin ang mga mesa ng grupo kaysa sa isang tao lamang upang masulit ang kita at seating capacity.

Ayon sa batas ng South Korea, nasa diskresyon ng may-ari ng negosyo ang pagpili ng kanilang tatanggapin na customer.

Sa katunayan, nitong nakaraang Marso 2025, nasa 10.4 percent na lamang ng mga restaurant sa bansa ang nag-aalok ng single-person meals.

Marami naman ang nagreklamo sa social media.

Isang netizen ang nagsabing pumila siya nang mahigit isang oras ngunit hindi pinapasok kahit may bakanteng mesa.

May naiulat ding insidente kung saan isang YouTuber ang pinaga­litan ng staff at minadali sa pagkain, kahit pa nag-order siya ng portion na pangdalawang tao.