Salot na black sand mining sa Ilocos Sur, itigil nang tuluyan


GO NORTH — Artemio Dumlao — Pilipino Star Ngayon

November 23, 2025 | 12:00am

ANG 15-araw na suspension sa river dredging operation ng Isla Verde Mining and Development Corporation (IVMDC)—na pinaghihinalaang black sand mining—ay nagbigay-li­wa­­nag sa matagal nang ipinaglalaban ng mga taga-Ilocos Sur. Mas mabuti kung tuluyan na itong itigil.

Hindi lamang ito karaniwang hakbang administratibo kundi patunay na may kapangyarihan ang mamamayan na pahintuin ang pang-aabuso, gaano man kalaki o kaimpluwensiya ang nasa likod nito.

Sa bawat araw na hindi umiikot ang mga barkong pang-dredging, panalo ang mga komunidad na matagal nang nana­nawagan ng hustisya at pangangalaga sa kalikasan. 

Hindi na nakapagtataka ang dami ng paglabag ng IVMDC —sa kabila ng permit na may malinaw na limitasyon, nag-operate pa rin sila lampas sa itinakdang River Dredging Zone. Hindi ito simpleng pagkakamali kundi tahasang pagbalewala sa batas at sa kapakanan ng mga residente.

Higit pa rito, ilang beses nang binigyan ng cease-and-desist order ang IVMDC bago sila napilitang tumigil—kung tunay man silang tumigil. Kahit paso na ang Ore Transport Permit, nagpatuloy pa rin ang pag-alis ng dredged materials, na para bang sila ang nagmamay-ari ng ilog. 

Hindi rin umano totoong para sa flood mitigation ang operasyon, kundi’y ang totoong layunin ay pagbebenta ng buha­ngin para sa mga proyektong reklamasyon sa Pasay at Bulacan.

Nadiskubre pang nakasasamsam sila ng rare earth elements (REE)—mga mineral na mahalaga sa electronics at renewable energy—mula sa dredged materials. 

Batay sa imbestigasyon ng DENR, hindi sinunod ng IVMDC ang mga rekomendasyong dapat sana’y nagpupro­tekta sa Metro Vigan at sa mismong ilog.

Mas pinairal ang interes ng kompanya at ng mga protektor nito kaysa sa kapakanan ng publiko—isang malinaw na pan­darambong sa likas na yaman.

Lalong nakababahala ang hindi paglalagay ng silt curtain, na nagdulot ng coastal erosion at pagkalugi ng mga mangi­ngisda na tunay na nagbabayad sa pinsala. 

Mabuti na lamang at nagpasya ang DENR-Region 1 na huwag nang payagang mag-dredging ang IVMDC hangga’t hindi napatutunayang lehitimo, ligtas, at makatao ang operasyon. Kung mahuli silang lumabag habang suspendido, dapat agad kanselahin ang kanilang permit.

Simula pa lamang ang labang ito.  Sa loob ng 15 araw, kailangang doble ang pagbabantay ng taumbayan. Hindi ito simpleng pagtutol sa IVMDC kundi laban para sa kinabukasan ng Ilocos Sur.

Dapat itigil na ito nang tuluyan.

* * *

Para sa comment, i-send sa: [email protected]