Ramon S. Ang, ang gumising sa nahimbing na NAIA


ORA MISMO — Butch M. Quejada — Pilipino Star Ngayon

November 24, 2025 | 12:00am

KUNG tutuusin, maraming reklamo noon sa NAIA. Mahaba ang pila, uminit na ulo mo sa kahihintay, tapos parang laging may aberya. Pero ngayong pumasok na ang New NAIA Infra Corp. (NNIC) sa eksena, iba na ang ihip ng hangin.

Simula Disyembre, unti-unti nang sisindihan ang bagong biometric immigration eGates sa NAIA, at hindi ito basta palabas totoong upgrade ‘to na ramdam ng bawat pasaherong nagbabayad ng buwis.

Powered daw ng Amadeus hindi yung classical composer ha, kundi global travel-tech na astig at gagamitin ng Bureau of Immigration para pabilisin ang proseso. Sa madaling salita, wala nang masyadong “sir, ma’am pakiabante” diretso pass­port scan, tingin sa camera, tapos lusot ka na. Parang peli­kula, pero tunay.

Sa Terminal 1 at 3 unang lalarga ang sistema. Unang bahagi pa lang ‘yan Disyembre 2025. Pagpasok ng unang quarter next year, fully deployed na. Hindi na biro. Hindi na pangako. Trabaho na.

Kombinasyon ito ng pondo ng NNIC at operasyon ng BI. Ibig sabihin, pinag-isipan, pinagsama, at ginawan ng paraan. Hindi yung palusot, hindi yung puro press release. Totoong infrastructure upgrade.

At dito papasok ang pangalan na dapat bigyan ng matinik na saludo: si Ramon S. Ang. Hindi ako nagbubuhat-bangko para sa kanya, pero kung may gumagalaw para ayusin ang NAIA sa paraang may epekto agad sa pasahero—siya ‘yun.

Sabi nga ni Ang, “Ang goal namin ay gawing mas komportable ang bawat parte ng airport experience.”

Simple, diretso, walang arte. At ngayon, may pruweba.

Habang lumolobo ang bilang ng pasahero, 50 million last year, lampas na sa kaya ng lumang disenyo kailangan talaga ng automated systems. Kung hindi, gugulong pababa ang kalidad ng serbisyo.

Pero sa galaw ng NNIC, malinaw: ayaw nilang bumalik sa pagka-“worst airport” ang NAIA.

Ito ang klase ng proyekto na hindi mo na kailangan ipagdasal na sana matuloy. Nakikita mo nang nangyayari. At kapag nagkataon at umubra ito nang buo, tayo ring mga Pilipino ang unang makikinabang lalo na yung mga OFW, turista, at balikbayan na sawa na sa pila at irita.

Sa panahon na madalas puro drama ang balita, nakakaginhawa rin makakita ng trabaho na may silbi. At sa puntong ‘to, malinaw na may ibubuga ang NNIC at ang lider nitong si Ramon S. Ang. Hindi sila nagpapalusot. Nagpapakilos sila!