November 24, 2025 | 12:00am
ISANG fully functioning na toilet na gawa sa purong 18-karat na ginto ang nabenta sa halagang $12.1 milyon (katumbas ng mahigit 700 milyong piso) sa isang auction ng Sotheby’s.
Ang 223-pound na inidoro, na pinangalanang “America,” ay likha ng kontrobersiyal na artist na si Maurizio Cattelan.
Siya rin ang nasa likod ng sikat na artwork na saging na idinikit sa pader gamit ang duct tape.
Ayon kay Cattelan, ang gintong inidoro ay isang “satire” o pagpuna sa labis na pagsamba sa pera at karangyaan ng ilan sa United States.
“Kahit kumain ka ng $200 na tanghalian o $2 na hotdog, pareho lang ang resulta pagdating sa inidoro,” paliwanag ng artist.
Bago ang auction, naka-display ang inidoro sa Sotheby’s New York headquarters, ngunit mahigpit na ipinagbawal ang paggamit nito.
Mayroon ding naunang bersiyon ng “America” na itinanghal sa Blenheim Palace sa England, ngunit ito ay ninakaw.
Naniniwala ang mga imbestigador na ang ninakaw na inidoro ay tinunaw na ng mga salarin at hindi na narekober.