5-kilo marijuana bricks samsam sa Sultan Kudarat


John Unson — Pilipino Star Ngayon

November 24, 2025 | 12:00am

COTABATO CITY, Philippines — Nasamsam ng mga ope­ratiba ng anti-narcotics agents ang limang kilong dried compressed marijuana bricks, na nagkakahalaga ng P600,000, sa isang interdiction operation sa Barangay Salimbao sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong Sabado.

Ang marijuana bricks ay natagpuan sa isang warehouse ng isang cargo forwarding firm sa Barangay Salimbao, nakatakda na sanang ihahatid ng delivery rider kung kanino naka-address, ngunit maagap na nahanap at nakumpiska ng mga agents ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region na nagsagawa ng naturang interdiction operation batay sa ulat ng mga impormanteng may alam hinggil sa naturang parcel.

Sa ulat nitong Linggo ni Benjamin Recites III, director ng PDEA-BARMM, natunton ng kanilang mga agents ang eksaktong kinaroroonan ng naturang parcel sa loob ng cargo warehouse gamit ang isang narcotics-sniffing dog.

Ayon kay Recites, nagsasagawa na ang kanilang mga agents ng pagsisiyasat sa tunay na identity ng may-ari ng parcel kung saan naka-address ito na may lamang limang kilong marijuana bricks.

Nasa kustodiya na ng PDEA-BARMM ang limang kilong marijuana at nangako naman ang management ng forwarding firm kung saan idinaan ang package na tutulong sa pagtukoy sa mga totoong pangalan ng sender at consignee, o tatanggap sana ng nakumpiskang illegal na parcel.