Backhoe nag-dive sa ilog, operator todas!


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

November 23, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nasawi ang isang 49-anyos na backhoe operator makaraang ma-trap sa loob ng minamanehong backhoe makaraang mahulog sa ilog habang nagsasagawa ng clearing operations sa isang Reclamation area sa Brgy. 1, Hinigaran, Negros Occidental nitong Biyernes.

Kinilala ang biktima sa pangalan lamang nitong Harvey, residente ng Brgy. Miranda, Hinigaran ng lalawigang ito.

Bandang alas-9:25 ng umaga nang mangyari ang trahedya sa may tabing ilog ng Barangay 1, Hinigaran ng lalawigang ito.

Sa report ni P/Lt. Col. Jovil Sedel, hepe ng Hinigaran Municipal Police Station ang nasabing amphibious backhoe ay pag-aari ng municipal government na ginagamit sa pag-aalis ng lupa sa riverbed sa nasabing reclamation area.

Ayon sa mga awtoridad, dahil sa paglambot ng lupa ay nahulog ang backhoe sa may pampang ng ilog at tuluyan itong lumubog sa tubig bunsod upang ma-trap sa loob nito ang biktima.

Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima matapos ang isang oras ng mga sumaklolong rescuers pero idineklara nang dead-on-arrival.