November 25, 2025 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Magandang araw po sa inyo. Sumulat po ako para magpasalamat at maglabas ng saloobin na matagal ko nang kinikimkim.
May boyfriend po ako na sobra-sobrang ang suporta na ibinibigay sa akin—hindi lang siya, kundi pati ang buong pamilya niya. Sa bawat pagsubok na pinagdadaanan ko, lalo na ngayon na may sakit ang aking ama, hindi sila nagkulang sa pagdamay, pag-unawa, at pagmamahal sa akin. Ramdam ko po ang tunay na malasakit nila, at sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ko sila mapapasalamatan nang sapat.
Pero sa kabila nang lahat ng kabutihang iyon, may bahagi po sa akin na natatakot. Ayokong maging pabigat sa kanila. Ayokong maramdaman nila na ako ay isang responsibilidad, lalo na ngayong emosyonal at pinansyal na mabigat ang pinagdadaanan ko. Gusto ko po maging matatag para sa sarili ko, para sa pamilya ko, at para sa relasyon namin.
Mahal ko po siya, at mahal ko rin ang pamilya niya. Kaya ang tanging hiling ko ay sana hindi mawala ang respeto at pagmamahal nila sa akin, kahit dumadaan ako sa mahirap na yugto ng buhay. Patuloy po akong magpapakatatag, hindi lang para sa sarili ko, kundi para sa lahat ng taong naniniwala sa akin.
Badeth
Dear Badeth,
Saludo ako sa tapang at kabutihang loob mo. Hindi madali ang pinagdadaanan mo, lalo na’t may sakit ang iyong ama. Pero sa kabila ng lahat, pinipili mong maging mapagpasalamat at maingat sa damdamin ng mga taong nagmamahal sa’yo.
Ang pagmamahal ay hindi lamang sa masasayang araw—ito’y nasusukat lalo na sa panahon ng pagsubok. Kung ang boyfriend mo at ang kanyang pamilya ay tunay na sumusuporta sa’yo, hayaan mong maramdaman nila na ang kanilang kabutihan ay may kahulugan. Hindi ka pabigat sa kanila; mahal ka nila, at ang pagdamay nila ay bahagi ng pagmamahal na iyon.
Kaya’t huwag mong ikahiya ang iyong pinagdadaanan. Sa halip, yakapin mo ang pagmamahal na ibinibigay sa’yo—dahil karapat-dapat ka.
DR. LOVE