Meneses tanggap ang kamalasan ng Creamline


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 25, 2025 | 4:57pm

MANILA, Philippines — Maluwag na tinanggap ni coach Sherwin Meneses ang pagkawala ng Creamline sa semifinals ng Premier Volleyball League (PVL) sa unang pagkakataon simula noong 2017.

Yumukod ang No. 4 Cool Smashers sa No. 5 Petro Gazz Angels, 23-25, 19-25, 25-16, 14-25, sa kanilang knockout quarterfinals match sa 2025 PVL Reinforced Conference noong Lunes.

Nagwakas ang eight-year, 19-tournament semifinals at podium streak ng 10-time PVL champions.

“Siyempre, ako naman, lahat naman ng record nabe-break eh. So ‘yun siguro ‘yung time ngayon,” wika ni Meneses sa Cool Smashers na iginiya niya sa makasaysayang PVL Grand Slam noong nakaraang taon.

Minalas ang tropa ni Meneses na makakuha ng korona ngayong taon matapos ang silver medal finish sa All-Filipino at parehong bronze sa PVL on Tour at Invitational Conference.

“Marami pa namang conference, so it’s better na i-accept agad namin kasi wala naman tayo — wala namang gustong matalo. Pero, ayun nga, pinaka-importante is acceptance ng pagkatalo,” wika ng 43-anyos na bench tactician.

Lalabanan ng Petro Gazz ang Akari sa knockout semis bukas ng alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng PLDT at ZUS Coffee sa alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Pinatalsik ng No. 8 Chargers ang No. 1 Farm Fresh Foxies, 28-26, 30-28, 25-21, habang sinibak ng No. 3 High Speed Hitters ang No. 6 Cignal Super Spikers, 25-21, 25-18, 23-25, 25-21, at tinalo ng No. 2 Thunderbelles ang No. 7 Capital1 Solar Spikers, 25-14, 25-20, 25-18, sa knockout quarterfinals.