Obrero inayawan ng dating dyowa, nang-hostage


Tony Sandoval — Pilipino Star Ngayon

November 28, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nagawang i-hostage ng isang obrero ang isang ina at dalawa nitong anak na babae matapos na unang gulpihin ang kanyang dating live-in partner na tumangging makipagbalikan sa kanya naganap kamakalawa ng tanghali sa Brgy. Quipot, Tiaong, Quezon.

Dalawang oras ang naging negosasyon sa hostage taking incident bago tuluyang naaresto ang suspek na si alyas “Feliz”, 44, ng Brgy. Lusacan.

Base sa ulat na nakarating kay Director kay Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol.Romulo A. Albacea,binugbog muna ng suspek ang dating live-in partner saka tumakas at nagtago sa isang apartment at doon ay hinostage ang mag-iina.

Inabot ng dalawang oras ang negosasyon bago napilitan ang suspek na pakawalan ang mga bihag matapos humiling ng tricycle bilang kondisyon para makaalis.

Pinagbigyan ng mga operatiba ng 1st Quezon Police Mobile Force Company (QPMFC) sa pamumuno ni PLt.Col.Reynaldo Reyes, Lucena SWAT at Tiaong PNP ang hiling ng suspek at dito na nila sinamantala ang pagkakataon upang ito ay maaresto bandang alas-2:00 ng hapon.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagtungo ang suspek sa bahay ng kanyang dating live-in partner dakong alas-12:30 ng tanghali upang makipagbalikan, subalit tumanggi ang babae hanggang sa mangyari ang pambubugbog.

Nakapiit na sa municipal jail ang suspek at nahaharap sa patung-patong na kaso.