SALN ng mga senador hindi kapani-paniwala


SAPOL — Jarius Bondoc — Pilipino Star Ngayon

December 5, 2025 | 12:00am

Wala ba talagang pagkakontento ang mga Pilipino? Imbis na matuwa na nilabas ng mga senador ang kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth, ­maraming nagduda. Hindi raw kapani-paniwala ang kanilang “kayamanan” at “kahirapan”.

Bilyonaryo, milyonaryo ang 24 senador: Mark Villar, P1.26 bilyon; (2) Raffy Tulfo, P1.05 bilyon; (3)Erwin Tulfo, 497 milyon; (4) Migz Zubiri, P431.78 milyon; (5) Camille Villar, P362.07 milyon; (6) Ping Lacson, P244.94 milyon;(7) Robin Padilla, P244.04 milyon; (8) Jinggoy Estrada, P221.22 milyon; (9) Lito Lapid, P202.04 milyon; (10) Tito Sotto, P188.87 milyon; (11) Imee Marcos, P165 milyon; (12) JV Ejercito, P137.07 milyon;(13) Pia Cayetano, P128.3 milyon; (14) Alan Peter Cayetano, P109.13 milyon; (15) Sherwin Gatchalian, P89.52 milyon; (16) Bam Aquino, P86.55 milyon; (17) Rodante Marcoleta, P52 milyon; (18) Loren Legarda, P79.21 milyon;(19) Joel Villanueva, P49.51 milyon; (20) Bong Go, P32.43 milyon; (21) Bato dela Rosa, P32.3 milyon; (22) Kiko Pangilinan, P26.74 milyon; (23) Risa Hontiveros, P19 milyon; (24) Chiz Escudero, P18.84 milyon.

Pinuri si Lacson sa pag-amin na domoble ang SALN niya mula nu’ng huling nagsenador, 2022, kasi tumiba sa real estate. Kinaawaan si Sotto dahil maraming utang maski tumitiba sa entertainment. Umamin si Pangilinan sa pre-nuptial agreement kay mega star Sharon Cuneta.

Pero maraming pumuna kung bakit mababa ang kay Imee. Bilyun-bilyon umano ang tinangay ng ama niyang diktador Ferdinand Marcos Sr. sa kaban ng bayan. At P204 bilyon, ayon sa BIR, ang utang na buwis ng Marcos estate.

Pinaka-pinuna ang kay Escudero. Nag-viral online ang mga litrato niya na may suot na mamahaling wristwatches. At video na nagreregalo sa asawa ng diyamante na halagang P57 milyon. Sobrang dudoso n’yo, oo.