December 11, 2025 | 12:00am
“Akala ko nananaginip pa rin ako Apol,’’ sabi ni Guava, isang araw makaraan silang ikasal. Nasa isang hotel sila sa Tagaytay.
“Ako natanggap ko nang kasal na tayo. Napikot mo na ako, ha-ha-ha!”
Kinurot siya ni Guava sa tagiliran.
“Ikaw nga ang nagmadali na makasal tayo tapos sasabihin mong pinikot kita.”
“Akala ko talaga pinikot mo ako, ha-ha-ha!”
“Hindi ko kailangang mamikot, Mister Apol.”
“Okey sige, ang mas mabuti, magmahalan tayo nang todo para pag-uwi natin sa Maynila ay mayroon na tayong naipon, he-he-he!”
Kinurot uli ni Guava si Apol.
Niyakap ni Apol si Guava at mainit na naghalikan. Nagbabaga ang mga labi nila. Tinalo ng init ang malamig na klima sa Tagaytay.
Sa tindi ng kanilang kasabikan sa isa’t isa, hindi namalayan na nabuwal na sila sa malambot na kama. Hindi sila bumibitaw sa isa’t isa. Magkahinang pa rin ang kanilang mga labi. Lalo pang nagbaga at nag-apoy na.
Hanggang sa malaman na lamang nila na wala silang saplot. Ang malamig na klima sa labas ay hindi kayang talunin ang nag-uumapoy nilang damdamin.
Nalimutan nila sa pagkakataong iyon ang mga “kababalaghan” na dumalaw sa kanila.
Hanggang sa ang mga sumunod na pangyayari ay lalo pang naging kasiklab-siklab sa kanilang dalawa. Dumalas nang dumalas ang paghinga nila. Sunud-sunod. Tanging ang hingal nila ang sumasanib sa mahinhing buga ng aircon.
Maya-maya pa, tuluyan nang sumabog ang init. Mistulang Bagong Taon ang paligid. Sumabog ang mga paputok. Malakas. Matindi.
Hanggang tumigil ang hingal.
Pawang ngiti sa kanilang mga labi ang nakita. (Itutuloy)