December 14, 2025 | 12:00am
MAGKAIBANG oras at lugar, subalit iisang direksyon ang ipinakita ng mga tauhan ni Police Regional Office 12: director Brig. Gen. Arnold Ardiente: ang seryoso at tuluy-tuloy na kampanya laban sa smuggling at ilegal na droga sa rehiyon. Sunud-sunod ang accomplishments ni Ardiente kontra cigarette smuggling at t’yak hindi natutuwa dito ang mga financiers at mga protector nilang pulitiko. Ganun na nga! Ano sa tingin mo kosang Joseph Jubelag? Hindi naman natitinag si Ardiente. Trabaho lang, aniya. “Tutugisin natin ang nasa likod ng smuggling at illegal na droga. Ang mensahing ito ay malinaw,” ani Ardiente sa kanyang mga tauhan. Sa Region 12 ngayong linggo, may dalawang malaking hakbang na naitala — isang iglap sa tabing-dagat at isang transaksyon sa kanto — parehong napigilan, dokumentado, at hindi na makakarating sa kanilang target na merkado.
Maaga ang pag-aksyon ng mga tauhan ni Ardiente at tatlong search warrant ang ikinasa sa Brgy. Kinudalan, Lebak, na kaagapay ang mga operatiba ng Bureau of Customs. Nilusob ang isang bahay na puno ng kahon-kahong sigarilyo. Nakumpiska ang 505 kahon na naglalaman ng sigarilyong Victor Angilo, President, Commissioner, Berlin at Lasa, na nagkakahalagang P19.8 milyon. Malinaw na indikasyon na smuggled ang naturang mga sigarilyo. May mga kahon na narekober sa loob ng bahay at mayroon ding nakita sa tabing-dagat nang mag-withdraw na ang mga raiding teams. May kararating lang? Sa tulong ng Customs representative, agad na naisagawa ang inventory at marking upang matiyak ang tamang dokumentasyon. Kakasuhan ang dapat kasuhan para magsilbing senyales sa mga cigarette smugglers na lumayas sila sa SOCCSKSARGEN Region.
Samantala, bandang hapon sa Tantangan, South Cotabato, buy-bust ang naging sentro ng operasyon. Dalawang lalaki ang naaresto sa Purok Pagkakaisa, Brgy. San Felipe, matapos maaktuhan sa bentahan ng shabu. Kinilala ang mga suspek na sina “RJ” at “Paul.” Mula sa unang sachet na 0.20 gramo hanggang sa nadiskubreng 400 gramo sa body search, umabot sa tinatayang ?2.7 milyon ang halaga ng nasamsam na shabu. Narekober din ang marked money na ?1,000. Magkahiwalay ang mga operasyon ngunit parehong nakaangkla sa PNP Focused Agenda ni Acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. na tumitiyak na ang mga kilos ng PRO12 ay intelligence-driven, koordinado, at naka-target.
Sa Lebak, nagtulungan ang RMFB12, RPDEU12, RID12, RIU12, DI-MAPIO at Customs. Sa Tantangan, pinagsanib-puwersa ng Tantangan Municipal Police Station, SCPDEU, SCPIU at PDEA PRO12 ang operasyon. Nasa tamang direksiyon ang liderato ni Ardiente, lalo na sa cigarette smuggling. Kaya lang hindi natutuwa ang mga pulitiko sa trabaho ni Ardiente. “Some local politicians who are in cahoots with smuggling syndicates are reportedly lobbying for the relief of PRO12 director Brig. Gen. Arnold Ardiente who has been steadfast in his no-nonsense campaign against cigarette smuggling accros the Soccsksargen Region,” ang komento ni kosang Jubelag. Magkano…este paano? Abangan