December 28, 2025 | 12:00am
ANG multi-bilyong pisong casino junket scam na pinangunahan ni Hector Aldwin Liao Pantollana ay hindi lamang isang kuwento ng panlilinlang sa pananalapi—ito ay salamin nang malalim na problema sa tiwala, regulasyon at pananagutan sa bansa.
Sa loob ng ilang taon, libo-libong Pilipino ang nahikayat ng matatamis na pangako ng mabilis at mataas na kita.
Mula sa mga probinsya hanggang sa Metro Manila, pati na sa mga overseas Pilipino, maraming naniwala na lehitimo ang operasyon dahil sa magarang presentasyon, social media marketing, at presensiya ng mga kilalang “leaders” sa mga downline tulad ng Team Z sa Baguio and iba pang bahagi ng Hilagang Luzon.
Ngunit sa bandang huli, ang pinangarap na ginhawa mula sa tubo ng mga investments na inilagak ng mga nahumaling sa malaking kita ay napalitan ng pagkabaon sa utang at pagkasira ng tiwala, hanggang sa kakayahan ng pamahalaang mangalaga ng kapakanan ng mamamayan kontra sa kapahamakan ng mga kahalintulad na scam.
Hindi na bago ang ganitong uri ng scam sa Pilipinas. Paulit-ulit na itong nangyayari, ngunit tila paulit-ulit din tayong nakakalimot.
Ang mas nakababahala, nagpatuloy pa rin ang operasyon nina Pantollana kahit may cease-and-desist order na mula sa SEC.
Ibig sabihin, hindi lang kahinaan ng mga biktima ang problema—may kakulangan din sa agarang pagpapatupad ng batas at sa kakayahan ng mga ahensya na pigilan ang paglaganap ng ilegal na pamumuhunan.
Ang pag-aresto kay Pantollana sa Indonesia ay mahalagang hakbang, ngunit hindi ito sapat. Ang hustisya ay hindi lamang pagkulong sa isang sinasabing mastermind.
Kailangang panagutin din ang mga kasabwat at recruiters na aktibong humikayat at kumita sa pagpasok ng mas maraming biktima. Hindi maaaring palusutin ang argumento na tagapamagitan lamang sila.
Higit sa lahat, ang kasong ito ay paalala sa publiko: walang shortcut sa tunay na yaman. Kung ang isang investment ay mukhang napakaganda para maging totoo, malamang ay hindi nga ito totoo.
Sa huli, ang tunay na laban ay hindi lamang sa korte, kundi sa kamalayan ng mamamayan—na sana’y matuto na tayo bago pa muling maulit ang ganitong trahedya.
* * *
Para sa comment, i-send sa: [email protected]