December 30, 2025 | 12:00am
HINOG na ang sitwasyon para sa pagbago ng rehimen. Puno na ang taumbayan sa P1.7-trilyong flood works at iba pang pandarambong. Paikot-ikot lang ang imbestigasyon. Sagad sa buto ang kabulukan.
Nagkapit-bisig na ang mga retiradong heneral, obispo, propesyonal, at kabataan. Pinaplano ang mga paraan at petsa. Titindi ang kilos protesta.
Handa na ang lahat – halos. Isang elemento na lang ang kulang: sino ang mamumuno?
Mamartsa ang sambayanan sa likod ng isang bagong Rizal. Aral ‘yan ng kasaysayan.
Walang Himagsikan kung wala si Jose Rizal. Salitang-hudyat ang “Anak ng Bayan” at “Gomburza” para makapasok sa una at ikalawang hanay ng Katipunan. “Rizal” ang codename para sa kataas-taasang lebel.
Tutol si Rizal sa rebelyon dahil kapos sa sandata. Ganunpaman, sumigaw sa Pugad Lawin ang mga Katipunero nu’ng Agosto 26th, 1896. Makalipas ang apat na araw tinangka nilang agawin ang bodega ng pulbura ng mga Kastila sa San Juan del Monte.
Limang daang Pilipino ang namatay sa Pinaglabanan, at limang libo pa ang minasaker ng mga Kastila sa mga paligid na baryo. Bagamat naka-destiyero noon si Rizal sa Dapitan, ibinintang sa kanya ang kaguluhan. Binaril siya sa Bagumbayan. Makalipas ang isa’t kalahating taon, nagdeklara ang Pilipinas ng Kalayaan nu’ng Hunyo 1898.
Agosto 21, 1983, pinaslang ng diktadurang Marcos si Ninoy Aquino. Muli umalsa ang bayan. Makalipas ang dalawa’t kalahating taon, iniluklok ng madla ang biyuda niyang si Cory.
Naglahad ng bagong Konstitusyon. Pero nagbalik lang ang lumang lipunan. Lumala ang katiwalian, dinastiya at pekeng halalan. Sigaw ng bayan ngayon na alisin lahat ng politico at burukrata. Maski mga korte dapat ayusin. Pero walang bagong Rizal na mag-iinspira.